Ang halaga ng Bente-singko

Tagalog muna….

Sa parking lot ng Mega Mall malapit sa supermarket, andun ‘yung pila ng FX papuntang Angono, Antipolo, at kung saan saan pa.  Gabi-gabi na lang halos andun ako kse dun ako sumasakay pauwi.  Marami kang mapaglilibangan dun.  Pede mong panoorin ‘ung tren ng MRT at tingnan kung anong oras dadaan ‘yung tren na inde siksikan ang tao, bilangin ‘yung mga nakapila sa likod mo, abangan kung may matitisod dun sa maliit na lubak dun, makipag bolahan sa mga namamalimos at nagtitinda ng sampagita, kainin ang baon mong Jolibee, Pizzahut, Dunkin Donut, Mcdo o kung ano pa man ‘yang pagkaing dala mo, o kung pagod ka na eh umupo ka na lang dun sa mahabang inuupuan ng ibang mga nakapila at makipag-text sa iyong ‘loved ones’.

Madalas, pinapanood ko kung paano ‘magbenta’ ng sampagita ‘yung mga ’sampagita kids’ dun.  Di ko mawari kung namamalimos ba sila talaga at props lang ‘yung sampagita o talagang nagtitinda sila.  Pero mukhang namamalimos lang sila kse madalas sinasabi nila eh ‘Ate/Kuya pambili lang po ng makakain’.  At dahil namamalimos sila, naisip ko na mahalaga sa kanila bawat sentimo na makukuha nila.  Hindi talaga ako ‘yung tipo ng tao na madaling maawa sa mga ganung klaseng namamalimos kse ilang beses na ako nakakita ng ‘fake’ na namamalimos so ang tendency ko eh i-generalize na sila.  Kung may pagkain ako na dala, minsan ‘yun ang binibigay ko pero di mo talaga ako maasahang magbigay ng pera.

Isang gabi, habang nakapila ako at nanonood sa mga ’sampagita kids’ na ‘yan, may napulot ako na bente-singko.  At sa di kalayuan, sa ilalim ng isang pushcart na sinasakyan ng isa pang ’sampagita kid’ may dalawa pang bente-singko na nakakalat.  Naisip ko ‘wow sayang din ‘to. Pede nila pambili kahit isang kendi man lang.’  So binigay ko ‘yung napulot ko dun sa ’sampagita kid’ na lumapit sa akin.  Sabi ko sa kanya kunin na rin ‘yung dalawa pang bente-singko sa ilalim ng pushcart.  Laking gulat ko na lang nung makarinig ako ng kumalansing na pera.  Sinilip ko ‘yung pinanggalingan ng tunog.  Aba! At itinapon pala nung bata ‘yung bente-singko.  Bwisit na bwisit talaga ako.  Kung ako nga kahit dyes at singko pinupulot ko at wala akong pakialam kahit isipin ng ibang tao sa Mega Mall na masyado akong ‘poor’ at namumulot ako ng barya.  Para sa akin, mahalaga lahat ng coins kahit pa bente-singko, dyes o singko ito.  Tapos sila na namamalimos lang para may makain lang eh itatapon ang bente-singko.  Hindi ba nila alam kung ano ang halaga nun?  Anong klaseng ‘mahirap’ ba sila?  Kung ganyan na hindi nila pinahahalagahan ang maliit na halaga eh hindi nga sila yayaman.  Ang mga malalaki sa maliit nagsisimula.  Kung malaki agad ang hihintayin nila eh good luck na lang sa kanila dahil hindi mangyayari ‘yun.  At kung may dumating man sa kanilang malaking swerte eh siguradong mawawala agad ‘yun kse hindi nila alam kung paano pahalagahan ang mga ganung klaseng bagay.

Leave a Reply